Isinulat ni: Charm Eizen 7- Wisdom A
Sinimulan ang makulay at magiliw na pangwakas na programa na idinaos sa Holy Cross College of Carigara noong ika-1 ng Setyembre bilang pagdiriwang sa matagumpay na pagtatapos ng buwan ng wikang pambansa na may temang, “FILIPINO AT MGA KATUTUBONG WIKA: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Sa pagtatapos ng Buwan ng Wika, nagkaroon ng pampinid na gawain na kung saan pinakatampok dito ang pagbibigay ng parangal sa mga mag-aaral na nagsipagwagi sa ibat-ibang patimpalak, gaya ng pagsulat ng tula, sanaysay, masining na pagk-kwento, soap carving, at iba pa, na isinigawa noong buwan ng wika.
Hindi rin nawala ang pagparada ng mga piling mag-aaral sa bawat klase na suot ang kanilang pambansang kasuotan. Sinundan naman agad ito ng pagtatanghal ng kung sino sa mga mag-aaral mula ika-7 baitang hanggang ika-12 ang may pinaka-magandang pambansang kasuotan. Sa lahat ng mga kasaling mag-aaral, dalawang babae at dalawang lalaki lamang ang nag-uwi ng gantimpala,
Pagkatapos ng maikling fashion show ng mga pambansang kasuotan ay nagpakitang gilas naman ang mga mag-aaral ng 11- STEM B ng kanilang husay at galing sa pag-akto at pagkanta na talagang kahanga-hanga. Pagkatapos ng kanilang presentasyon ay natunghayan namang ng mga manonood ang kahanga-hangang presentasyon mula sa mahuhusay na mananayaw ng HCCC Dance Ensemble.
Talagang magagaling ang mga Holy Crossians sapagkat ipinakitang gilas nila ang kanilang kakayahan sa pagsayaw, pagkanta, pagsulat, at katalinuhan na nagpapakita ng tatak at lahi ng isang Pilipino, kung kaya't karapat-dapat lamang na mabigyang karangalan ang bawat Holy Crossians.
Matagumpay na naidaos ang buwan ng wika sa HCCC dahil nabigyang halaga at pagkilala ang ating mga pambansang kasuotan at ang ating pambansang wika, ang wikang Filipino at ang pagiging isang matatag na may angking kahusayan na lahing Pilipino.
©November2022